Umapela ang grupong Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pag-aralang ibalik sa P10 ang minimum na pasahe sa mga jeep kapag tumuntong sa P40 ang presyo ng kada litro ng diesel.
“Ibalik na ito sa pamamagitan ng pag-issue ng provisional fare increase na piso, na ang P9 ay gagawing P10 kung ang presyo ng krudo ay tumuntong na sa P40,” sabi ni Fejodap President Zenaida “Zeny” Maranan sa panayam ng ABS-CBN News.
Magugunitang noong Oktubre ay inaprubahan ng LTFRB ang P10 minimum na pasahe sa mga jeep na pumapasada sa Metro Manila, Central Luzon, Mimaropa, at Calabrzon.
Pero ibinaba ulit ito sa P9 noong Disyembre dahil sa sunod-sunod na tapyas sa presyo ng petrolyo noon.
PRESYO NG PETROLYO
Naglalaro sa P35.75 hanggang P40.29 ang presyo ng kada litro ng diesel, base sa pag-monitor ng Department of Energy (DOE) noong Martes. Hindi pa rito kasama ang excise tax o mas mataas na buwis sa petrolyo.
Nagpatupad din noong Martes ang mga kompanya ng langis ng taas-presyo sa kanilang mga produkto bunsod ng pagsipa ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Ito ang ikalawang sunod na linggong nagkaroon ng taas-presyo sa petrolyo nitong taon.
Nasa P2.30 dagdag sa kada litro ng diesel, P1.40 dagdag sa kada litro ng gasolina, at P2 dagdag sa kada litro ng kerosene ang ipinatupad noong Martes.
Kasabay ng taas-presyo dahil sa import price, hanggang unang linggo ng Pebrero ay inaasahan ding magpapatupad ang mga gasolinahan ng taas-presyo dahil sa mataas na buwis sa langis.
Sa ngayon, higit 1,000 pa lang sa kabuuang 8,600 gas stations sa buong bansa ang nagpatupad ng mas mataas na buwis sa langis.
‘OVERPRICED’ NA VAT?
Samantala, sinagot ng Department of Finance ang paratang ng grupong Laban Konsyumer na may overcharging o paniningil nang labis sa value-added tax (VAT) sa petrolyo.
Ayon kay Finance Assistant Secretary Tony Lambino, mali ang pagkukuwenta ni Laban Konsyumer President Vic Dimagiba para sabihing may overcharging.
“Tiningnan naming mabuti ang kaniyang computations, nagkamali po sa math, so actually wala pong overcharging,” ani Lambino.
Pero nanindigan si Dimagiba na nadoble ang VAT dahil bukod daw sa may VAT na sa excise tax na P0.24, may VAT pa ulit sa kabuuang resibo ng motorista.
“We want to see their computation,” ani Dimagiba.
“Pinaninindigan ng Laban Konsyumer na may overcharging ng value-added tax sa pagpapatupad nitong excise taxes on fuel,” dagdag niya.
–Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News